Nation

PNP CHIEF: TALI ANG KAMAY NG PULISYA SA ONLINE SEX TRADE NG MGA ESTUDYANTE

/ 5 January 2021

INAMIN ni Philippine National Police Chief, Gen. Debold Sinas na tali ang kanilang kamay o hindi basta makakikilos laban sa mga estudyanteng nagbenta ng mahahalay nilang larawan at mga video sa social media para may ipantustos sa distance learning.

Ang online sex exploitation ng mga estudyante ay iniulat ng The POST, isang  news portal para sa mga estudyante, at nang makarating sa tanggapan ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education and Culture, ay agad itong pinaiimbestigahan sa Department of Justice at PNP.

Ayon kay Sinas, pribadong usapin ang pagbebenta ng larawan at ang ginamit naman ay sariling social media account.

Paliwanag ni Sinas, dapat ay mayroong magreklamo at dumulog sa kanila bago sila kumilos dahil bagaman sila ang awtoridad, ayaw naman niyang makompromiso ang kanyang mga tauhan.

“Umiiwas kaming maakusahan na pumapasok sa mga social media account lalo na’t pribado nila iyon at bandang huli kami ang kasuhan, kaya dapat ay mayroong magreklamo bago kami umaksyon,” ayon kay Sinas.

Samantala, sakaling menor de edad ang nagsasagawa noon, dapat aniyang malaman ito ng mga magulang habang ang Department of Education pa rin ang dapat na pangunahing kumilos.