Nation

PLANTILLA POSITIONS PARA SA GUIDANCE COUNSELORS PINABUBUO SA DEPED

/ 14 October 2020

ISINUSULONG ni Senador Lito Lapid ang pagbuo ng sapat na plantilla position para sa mga guidance counselor sa elementary at high school.

Sa paghahain ng Senate Bill 1067, ipinaalala ni Lapid na mahalaga ang guidance and counseling sa holistic development ng isang mag-aaral upang makayanang harapin ang anumang sitwasyon at pagsubok.

Sinabi ni Lapid sa kanyang explanatory note na nahihirapan din ang Department of Education sa pagkuha ng mga guidance counselor dahil sa mababang pasuweldo.

Sa panukala ng senador, iginiit ang pagtatakda ng sapat na plantilla positions sa DepEd para sa guidance counselors at iba pang guidance-related personnel at pagtaaas pa ng kanilang basic salaries bukod sa mga insentibo.

“The DepEd, in consultation with the Department of Budget and Management, shall ensure that there is sufficient number of plantilla positions for guidance counselors in every public elementary and high schools,” pahayag ni Lapid sa panukala.

Iginiit ni Lapid na dapat matugunan ang recommended ratio na isang guidance counselor para sa bawat 200 estudyante sa public elementary at high school.

Ipinapanukala rin na mula sa Salary Grade 11 ay itataas sa Salary Grace 16 ang katumbas na sahod ng Guidance Counselor 1 at ang pinakamataas na posisyon na Guidance Service Specialist IV na may Salary Grade 22 ay itataas sa Salary Grade 23.

Nakasaad sa panukala na ang pondong kinakailangan sa pagpapatupad ng mga probisyon ay magmumula sa savings ng DepEd sa unang taon ng implementasyon habang sa mga susunod na taon ay kukunin sa General Appropriations Act.