PLANONG 2-WEEK SCHOOL BREAK INALMAHAN NG MGA GURO
“HINDI naman totoong nabawasan ang trabaho ng mga guro. Sa katunayan ay nadagdagan pa nga dahil sa tumaas ang dependency sa technology at mga clerical tasks. Kung dalawang linggo lamang ang ibibigay na break bago ang susunod na school year, aba’y baka hindi matapos ang mga trabaho and worse, hindi talaga makapagpapahinga ang mga guro natin.”
Ito ang naging reaksiyon ni Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng Teachers’ Dignity Coalition, sa plano ng Department of Education na palawigin pa ang kasalukuyang school year at bawasan ang dalawang buwang school break at gawin na lamang itong dalawang linggo.
Sa pahayag ng DepEd sa pamamagitan ni Undersecretary Disodado San Antonio, sinabi ng ahensiya na maaari pang palawigin ng dalawang linggo ang school year 2020-2021 at iksian ang tradisyunal na dalawang buwang bakasyon bago ang susunod na school year.
“Nagtataka naman po kami sa planong ito ng DepEd, sapagkat kung totoo na 99.37 percent ng mga mag-aaral ang nakakumpleto ng mga requirements noong first quarter at 80 percent ang rating ng ahenisya sa implementation ng distance learning system, bakit kailangan pa nilang mag-exted?” tanong ni Basas.
“Kahit pa ilang linggong extension ang ibigay kung mananatili ang kakulangan sa modules, kawalan ng access sa teknolohiya, limitadong oras o kakayahan ng mga magulang tulungan ang mga anak at ang mababang interes ng mga mag-aaral, mawawalan rin ito ng saysay,” dagdag pa niya.
Ayon sa grupo, maaari namang paiksiin ang school break ngunit hindi naman sasapat ang dalawang linggo upang makatugon sa mga hinihinging trabaho ng mga guro sa pagtatapos ng school year.
Hindi rin umano ito magiging praktikal dahil “mawawalan ng oras upang makapagpahinga man lang ang mga guro na siyang pumasan sa bigat ng mga gawain dahil sa daming mga pagkukulang ng sistsema bago pa man buksan ang klase noong Oktubre 2020.”
Sa huli, muling hiniling ng TDC sa pamunuan ng DepEd na maging bukas ang ahensiya sa diyalogo upang makita ng mga namumuno ang tunay na kalagayan sa ibaba at upang maipahayag naman ng mga guro ang aktuwal nilang karanasan.
“Itong mga nakaraang pahayag ng DepEd ay nagpapatunay na hindi nakalubog sa reyalidad ng public school system ang mga namumuno sa Central Office. Sa ganitong aspeto namin nais na tumulong at ipakita sa ating mahal na Kalihim at mga matataas na opisyal ng kagawaran ang tunay na kalagayan ng mga guro at mag-aaral sa ilalim nitong distance learning system,” pagtatapos ni Basas.
Ayon sa TDC, handa silang makipagtulungan sa DepEd upang makapagsagawa ng plano ang ahensiya na nakabatay sa mga tunay na sitwasyon at masolusyonan ang mga nakikitang suliranin.