PISTA NG ITIM NA NAZARENO: KLASE SA MAYNILA SUSPENDIDO
SUSPENDIDO ang klase sa lahat ng antas, publiko at pribado, sa lungsod ng Maynila sa Sabado, Enero 9.
Inanunsiyo ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Domagoso’ Moreno bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng taunang Pista ng Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo.
Pati ang mga pampublikong opisina ay wala ring pasok bunsod ng selebrasyon.
Nilagdaan ni Moreno ang isang executive order na nagbabawal din sa pagbebenta ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa Quiapo District, kung saan idaraos ang mga misa sa kawalan ng tradisyunal na Traslacion o prusisyon na kinansela dahil sa Covid19 pandemic.
“By the virtue of the power vested in me by law, do hereby order the suspension of classes for all levels in all universities, colleges, and schools in the City of Manila on 09 January 2021,” pahayag ng alkalde sa EO.
Sakop ng suspensiyon ang synchronous at asynchronous classes ngayong panahon ng distance learning at online classes.
Sa unang pagkakataon naman ay online isasagawa ang lahat ng aktibidad para sa Itim na Nazareno para maiwasan ang hawahan ng Covid19.