Nation

PINOY SCIENCE AT MATH TEACHERS GAGAWING GLOBALLY COMPETITIVE

/ 25 October 2020

ISINUSULONG ni Pampanga 2nd District Rep. Juan Miguel Macapagal-Arroyo ang pagbalangkas ng iba’t ibang programa at insentibo upang gawing globally competitive ang mga Pinoy na Science at Math teachers.

Sa inihaing House Bill 118 o ang proposed Developing Globally Competitive Science and Mathematics Teachers Act, binigyang-diin ni Arroyo na mahalagang magkaroon ang Filipinas ng mga highly qualified, motivated at globally competitive teacher, partikular na sa larangan ng Science at Math.

“In our genuine effort to be major players in the global arena, it is of paramount importance to have exceptionally and highly educated students. But without the contribution of our teachers in the molding of our youth, it will be close to impossible to create such an ideal studentry,” pahayag ni Arroyo sa kanyang explanatory note.

Target ng panukala na hikayatin ang mga estudyante na magagaling sa Math at Science na ituloy ang kanilang career sa pagtuturo.

Sa ilalim ng panukala ay bubuo ng mga programa para sa patuloy na upgrade ng kapabilidad ng mga nasa linya ng pagtuturo ng Math at Science.

Kabilang dito ang pagbibigay ng scholarships at specialized training programs, at waiver mula sa Professional Regulatory Commission upang payagan ang mga bagong graduate na magturo mula sa graduation time hanggang sa panahon ng pagkuha nila ng Licensure Examiniation for Teachers,

Nakapaloob din sa mga ipinapanukalang programa ang pagkakaloob ng mas mataas na starting pay sa mga certified teacher, pagbibigay ng rewards sa top scorers sa LET, promosyon sa non-science and non-mathematics majors na nakatapos ng certification program sa science content, pagkakaloob ng merit promotions sa pamamagitan ng eksaminasyon at pagbuo ng Science and Math Teachers Development Fund upang magamit sa mga programa.