PINAS NAPAG-IIWANAN SA OPEN DISTANCE LEARNING
AMINADO si Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education chairperson Joel Villanueva na kinakailangan pang palakasin ang Open Distance Learning Act na inaprubahan noon pang 2014.
Ito ay makaraang lumitaw sa pagdinig ng Senado na 22 Higher Education Institutions pa lamang ang nagpapatupad ng ODL sa bansa.
“We really need to strengthen the ODL Act. There are very few HEIs offer distance education programs after more than 5 years since the enactment of this law,” pahayag ni Villanueva.
“I know that our education and training system is already under stress. But given the nature of the pandemic, I believe that all hands should be on deck. I think we need more consortium, more ‘bayanihan’, if I may say, more sharing of resources and information, more Mbps, more subsidies,” dagdag pa niya.
Sinabi ni CHED Chairman Popoy de Vera na sa lahat ng bansa sa Asya, nangungulelat ang Filipinas sa implementasyon ng ODL dahil nakatuon lamang ang programa sa bansa sa mga graduate level habang sa iba ay binuksan na ito sa undergraduates.
Bukod dito, sinabi ng opisyal na malaki rin ang problema ng bansa sa internet connectivity bukod pa sa nakapokus ang edukasyon ng bansa sa traditional na face-to-face system.
Aminado si De Vera na ngayong nakararanas ang bansa ng pandemya, nabubuksan na ang kaisipan ng marami hinggil sa kahalagahan ng ODL kaya dapat nang pag-aralan ang pagpapalakas ng sistema.
Suportado rin naman ni De Vera ang panukalang paglalagay ng Tertiary Online Learning and Distance Education Office sa ilalim ng CHED na ang mandato ay bumuo ng minimum curriculum requirements sa online at distance learning.
Ang pagtatayo ng naturang tanggapan ay alinsunod sa Senate Bill 1459 ni Senador Francis Tolentino na ang pangunahing layunin ay magkaroon ng nararapat na mga polisiya at quality standards para sa pinalawak na implementasyon ng online and distance learning, lalo na sa panahon ng national emergencies, calamities at health crises.