PINAHABANG DISTANCE LEARNING PINAGHAHANDAAN NA NG DEPED
Pinaghahandaan na ng Department of Education ang posibilidad na mapahaba pa ang distance learning hanggang sa susunod na pagbubukas ng klase dahil sa lumalalang kaso ng Covid19 sa bansa.
“Actually, ang pagpaplano hindi lamang isa iyang plano mo na may target ka, you have to open classes on this day, ito ang gagawin mo. Ngayon, multiple levels ang planning natin. Nagpaplano tayo kung ganito ang sitwasyon, kung tatagal ang Covid; nagpaplano tayo kung halimbawa ma-control na natin ang Covid at magbubukas na talaga ang eskuwelahan,” sabi ni Education Secretary Leonor Briones sa Laging Handa briefing.
Ayon sa kalihim, iba’t ibang lebel ng pagpaplano ang kanilang ginagawa sakaling hindi pa rin puwede ang face-to-face classes sa susunod na taong pampaaralan.
“We plan for all possibilities. Of course, it is very challenging, so, you have alternative one, alternative two, alternative three kung ito ang mangyayari. Ito lahat ay pinaghahandaan dahil nakikita na natin ngayon hindi natin mapi-predict kung ano talaga ang mangyari. Maraming variables na hindi natin mapi-predict kaya iyong pagpaplano naman natin iba’t iba iyong assumption,” pagbibigay-diin ni Briones.
Sinabi rin ng kalihim na kamakailan lang ay nag-donate ang Bureau of Customs at ang bansang Tsina ng gadgets, computers, laptops, tablets, at iba pa.
“So, we started distributing gadgets already in anticipation of an eventual shift or higher level of dependency on technology,” dagdag pa niya.
Hindi rin hinihikayat ng kagawaran na maging dependent sa printed materials dahil maraming puno ang pinapatay taon-taon.
“Kung papatayin natin iyong ating mga puno, dadalas iyong mga baha at nakikita naman natin kung ano ang nangyayari. Kailangan natin ng papel, materyales, at napakamahal ng printed materials,” aniya.
“So, whatever happens to Covid, talagang we are also endeavoring to lessen our dependency on printed materials — if we want the environment to survive, if we want the plant to survive, if we want to limit the occurrence of floods and other natural disasters — which used up a lot of trees, used up a lot of paper and used up a lot of financial resources,” dagdag pa ng kalihim.