Nation

PILOT RUN NG F2F CLASSES SA 100 PUBLIC SCHOOLS AARANGKADA NA

NAKIKIISA ang Teachers’ Dignity Coalition sa mga guro, magulang, mag-aaral at komunidad ng 100 pampublikong paaralan na nakatakdang magdaos ng pilot run ng face-to-face classes simula ngayong araw, Nobyembre 15.

/ 15 November 2021

NAKIKIISA ang Teachers’ Dignity Coalition sa mga guro, magulang, mag-aaral at komunidad ng 100 pampublikong paaralan na nakatakdang magdaos ng pilot run ng face-to-face classes simula ngayong araw, Nobyembre 15.

Ayon sa TDC, mahalaga ang gawaing ito upang lubos na matutunan ang mga praktikal na konsiderasyon na dapat isa-alang-alang sa gagawing mga polisiya sakaling ganap nang ipatupad ang in-person classes.

“Ang resulta nitong piloting ay magiging gabay ng pamunuan ng DepEd sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa hinaharap. Kailangan na rin kasi nating pag-aralan kung paano ito gagawin sapagkat hindi talaga natin maaaring sandalan ang ipinatutupad na distance-learning system,” pahayag ni Benjo Basas, National Chairperson ng grupo.

Gayunman, sinabi ni Basas na dapat maging handa ang mga kinauukulan sa pagbibigay ng nararapat na mga suporta sa mga paaralan at komunidad. Hindi, aniya, dapat maging kampante dahil lang sa bumababa na ang mga kaso ng Covid19 sa bansa.

“Maaaring madali itong gawin sa 100 paaralang nasa minimal risk areas, pero kung nasa libo-libong paaralan na sa buong bansa, baka hindi na maging aplikable ang sistemang ginamit sa piloting.  Dapat ay nakahanda rin ang mga kinakailangang suporta para sa ligtas na pagbabalik-eskwela,” dagdag ni Basas.

Muling iginiit ng grupo na dapat tiyaking bakunado na ang lahat ng mga guro at kung maaari, maging ang mga magulang ng mga mag-aaral na lalahok sa programa.

Dapat din umanong ibigay ng DepEd ang lahat ng kinakailangang kagamitan sa paaralan at ang maayos na koordinasyon sa komunidad at pamahalaang lokal upang istriktong maipatupad ang health and safety protocols.

At sakaling magkaroon umano ng hawaan sa mga guro at kawani ay agad silang mabigyan ng tulong ng pamahalaan gaya ng paid sick leave, rehabilitation leave at ayudang medikal at pinansiyal at hindi baryang tila abuloy mula sa GSIS.

“Sa mga kapatid naming guro na magpapatupad ng pilot implementation ng face-to-face classes, gayundin sa mga magulang, mag-ingat po tayong lahat at nawa’y maging matagumpay ang programa. Sa DepEd at DOH naman, sana po ay tuparin ninyo ang mga nakasaad sa inyong joint memorandum at ang mga deklarasyon sa publiko. Hindi biro ang sakit na Covid, nakamamatay ito,” pagtatapos ni Basas na isa ring Covid survivor.