Nation

PILOT RUN NG F2F CLASSES AARANGKADA NA SA NOB. 15

SISIMULAN na ang pilot run ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15, ayon sa Department of Education.

/ 7 October 2021

SISIMULAN na ang pilot run ng limited face-to-face classes sa Nobyembre 15, ayon sa Department of Education.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na isinabay nila ang pagsisimula ng dry run sa 2nd quarter ng School Year 2021-2022.

“We start on November 15, the face-to-face classes and tinaon po natin doon sa pilot schools, itinaon po ‘yan natin sa umpisa ng academic quarter two ng ating school calendar,” pahayag ni Nepomuceno.

Samantala, mula sa 120 na listahan ng DepEd, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergerie na nasa 59 lugar lamang ang kanilang inaprubahan subalit patuloy pa ang kanilang assessment sa iba pang paaralan.

Binigyang-diin ni Vergerie na kasama sa criteria sa pagpili ng mga lugar kung saan gagawin ang face-to-face classes ang mga nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2.

Kasama sa mga inaprubahang lugar ay ilang paaralan sa mga lalawigan ng Masbate, Antique, Cebu, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Norte, Zambo del Sur, Saranggani at North Cotabato.

Hinimok naman ni Senadora Pia Cayetano ang DepEd at DOH na ngayon pa lamang ay paghandaan na rin ang pagpapalawig pa ng face-to-face classes sa mga paaralan sa urban areas.

Muling kinontra ni Cayetano ang kaisipan na mas mapapahamak ang mga bata sa loob ng mga paaralan dahil kung tutuusin, aniya, sa ngayon ay naglalaro na ang mga bata sa labas ng kani-kanilang bahay kasama ang mga kaibigan.

Sinabi naman ni Senadora Nancy Binay na hindi na rin dapat manatili ang gobyerno sa kaisipan na maibabalik ang normal na sitwasyon sa mga paaralan kung mawawala na ang Covid19 dahil dapat mabuhay na ang lahat na nariyan ang virus.

Sa timeline ng DepEd, tatagal ang initial run hanggang Disyembre 22 at saka magsasagawa ng assessment bago tapusin ang pilot study hanggang Enero 31, 2022.

Matapos ang pilot study, magsasagawa ulit ang DepEd ng ebalwasyon para sa pagpapalawig ng pilot run sa iba pang paaralan kung saan maghahain sila ng panibagong proposal kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Pebrero 2022.

Sa sandaling maaprubahan, sisimulan ng Deped ang expanded pilot run ng face-to-face classes sa Marso 7, 2022.