Nation

PHILIPPINE SCIENCE HIGH SCHOOL IPINATATAYO SA ISABELA

/ 9 September 2020

ISINUSULONG ni Isabela 1st District Rep. Antonio ‘Tonypet’ Albano ang pagtatayo ng Philippine Science High School sa kanilang lalawigan.

Sa kanyang House Bill 7555, sinabi ni Albano na ang pagbubukas ng PSHS sa lalawigan ay magbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga kuwalipikado at deserving na estudyante sa secondary level para sa dekalidad na edukasyon.

Ayon kay Albano, sa kasalukuyan, nasa 118,400 ang estudyante na naka-enroll sa mga public at private junior high schools sa lalawigan ng Isabela at inaasahang tataas pa ang bilang sa mga susunod na taon.

Ipinaalala ng kongresista na alinsunod sa Konstitusyon, mandato ng estado na protektahan ang karapatan ng bawat isa sa dekalidad na edukasyon sa lahat ng level, gayundin ang pagbibigay ng importansiya sa science and technology para sa national development.

“Students would no longer have to spend more and travel far to Nueva Vizcaya where the Philippine Science High School Cagayan Valley Campus is located,” pahayag pa ni Albano sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, ang itatayong PSHS sa munisipalidad ng Cabagan ay isasailalim sa superbisyon ng Department of Science and Technology.

Alinsunod din sa panukala, ang PSHS-Isabela Campus ay isasama sa Philippine Science High School System sa ilalim ng Republic Act 8496 o ang Philippine Science High School System Act of 1997.

Ang anumang pondong kailangan para sa pagtatayo at pagmamantine ng PSHS ay isasama sa General Appropriations Act kada taon.