Nation

PHILIPPINE ONLINE LIBRARY ISINUSULONG SA KAMARA

/ 12 September 2020

SA GITNA ng unti-unting paglipat sa digital transactions, isinusulong ng isang kongresista ang pagbuo ng online library sa bansa.

Sa kanyang House Bill 7568 o ang proposed Philippine Online Library Act, sinabi ni Quezon 3rd District Rep. Aleta Suarez na dahil sa Covid19 pandemic, nakita ang kahalagahan ng digital platforms para sa mabilisang pagtugon sa mga pangangailangan.

“Latest technological developments in the internet and telecommunications have undoubtedly been a great help to learning within and outside schools,” pahayag ni Suarez sa kanyang explanatory note.

Ipinaliwanag ni Suarez na mahalaga pa rin ang mga library bilang pangunahing pinagkukunan ng mga reliable information kaya dapat nang magkaroon ng organisadong repository ng mga libro, full text references at iba pang research materials.

Alinsunod sa panukala, mandato ng Department of Education na ipunin ang digitized copy ng lahat ng texbooks at reference books na kailangan ng elementary at secondary students.

Ilalagay ito sa Philippine Online Library na pamamahalaan ng DepEd at ng Department of Information and Communication Technology.

Upang matiyak naman ang access ng mga estudyantye sa online library, maglalagay ng mga computer at maaasahang internet connection sa lahat ng primary at secondary public schools sa buong bansa.

Magiging katuwang din ng DepEd ang National Library of the Philippines para sa pagsasaayos ng digital repository ng textbooks at iba pang materyales sa Philipine Online Library.

Batay sa panukala, maglalaan ang gobyerno ng inisyal na P500 milyong pondo para sa pagbuo ng online library.