PHILIPPINE AIRFORCE ACADEMY IPINATATAYO
ISINUSULONG ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang panukala para sa pagtatayo ng akademya para sa Philippine Airforce.
Sa kanyang House Bill 3151, ipinaliwanag ni Romulo na hindi na kaya ng Philippine Air Force Flying Schools sa kasalukuyan ang magkaloob ng kinakailangang numero at tamang training para sa mga officer pilot dahil sa kakulangan ng mga pasilidad at logistical support.
“More so, since a college degree is an academic requirement for entrance into the PAFFS, thousand of poor high school graduates with great potentials are denied from joining the PAF because they have no financial support for a college education,” pahayag pa ni Romulo sa kanyang explanatory note.
Iginiit pa ng kongresista na kailangan ding i-professionalize ang officer career areas ng Air Force tulad ng aircraft maintenance, avionics at air logistics upang mapalakas pa ang hanay ng PAF.
Alinsunod sa panukala, itatayo ang Philippine Air Force Academy na pamamahalaan ng Commanding General ng PAF sa ilalim ng superbisyon ng Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines.
Tatawagin namang Cadet Corps ng PAF ang student body ng akademya kung saan ang Pangulo ang awtorisadong magtalaga.
Ang mga kandidato para sa Cadet Corps ay kinakailangang single, natural born Filipino, nasa 17-22 anyos, at least high school graduate, pasado sa physical and mental examination at sa National Secondary Assessment Test.
Ang magiging miyembro ng Cadet Corps ay tatanggap ng benepisyo at allowance na itatakda ng Pangulo ng bansa.
Batay rin sa panukala, ang sinumang kadete na hindi nakatapos ng training at natuklasang physically and mentally unfit para sa military assignment dahil sa injury o sakit na nakuha sa service ay magreretiro bilang second lieutenant ng AFP.
Nakasaad din sa panukala ang pagbabawal sa hazing at babalangkas ang Department of National Defense ng mga regulasyon upang mapigilan ito.