PH NO. 1 SA DAMI NG KASO NG BULLYING SA MGA ESTUDYANTE SA MUNDO
NANGUNGUNA ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso ng bullying.
Sa pagdinig ng Senado sa implementasyon ng Anti-Bullying Act of 2023, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na nakababahala na lumalabas sa datos na apat sa bawat 10 estudyante ang nakaranas ng pambu-bully sa mga paaralan sa bansa.
Nakadidismaya, aniya, na sa mga kaso ng bullying ay nangunguna ang bansa subalit pagdating sa kagalingan ng mga mag-aaral sa Math, English at Science ay nasa ikalawa sa huli ang mga estudyanteng Pinoy.
Ayon kay Child Protection Network Foundation Executive Director Dr. Bernadette Madrid, nasa 65% ng mga estudyante ang nakaranas ng bullying.
Sinabi ni Gatchalian na katumbas ito ng 17.5 million students na nakaranas ng pambu-bully.
Sa datos naman ng Department of Education, sinabi ni Assistant Secretary Dexter Galban na simula nang ipatupad ang batas noong 2013, tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga nairereport na kaso ng bullying sa mga paaralan.
Pinakamataas na kaso ang naitala noong School Year 2019-2020 o bago ang pandemya na umabot sa 21,521.
Gayunman, hindi kuntento si Gatchalian sa datos na ibinigay ng DepEd dahil masyado, aniya, itong mababa kumpara sa iba pang datos na inilalabas na sa pinakahuling impormasyon ay nasa mahigit 200,000 ang mga kaso ng bullying.
Tiniyak naman ni Galban na tuloy-tuloy ang mga programa ng DepEd para tugunan ang mga kaso ng bullying sa mga paaralan.
Sinabi ni Galban na bukod sa itinayong mga Child Protection Center sa mga paaralan, nagtayo na rin sila ng Learner Telesafe Center Hotline upang makapagreport ang mga estudyante na biktima ng bullying.