PGH APEKTADO KAPAG BINAWASAN ANG PONDO NG UP — EX-VP BINAY
MAAAPEKTUHAN ang mga serbisyo ng Philippine General Hospital kung itutuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang banta nitong bawasan ang pondo ng Unibersidad ng Pilipinas, ayon kay dating Bise Presidente Jejomar Binay.
Ayon kay Binay, ang PGH ay parte ng UP system.
“I hope the threat to withhold funding for UP will not materialize. If this happens, the Philippine General Hospital will be affected because it is part of the UP System,” pahayag ni Binay.
“Ang PGH ay naglilingkod sa mahihirap nating kababayan. Kung wala ang PGH, saan pa sila pupunta?”
Sinabi pa ni Binay na maapektuhan din ang scientific studies at researches na isinasagawa ng UP kung ide-defund ito ng Pangulo.
Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Duterte na ihihinto niya ang pagpopondo sa UP dahil sa mga protestang isinasagawa ng mga estudyante.
“Sige. ‘Yung mga eskwelahan, UP? Fine. Maghinto kayo ng aral. I will stop the funding. Wala nang ginawa itong mga ano kundi mag-recruit ng mga komunista diyan. Tapos nag-aaral kayo, gusto ninyo bira-birahin ang gobyerno. Masyado naman naka-swerte kayo. ‘Wag talaga kayong manakot, because I will oblige you,” sinabi ni Duterte.