PERMIT SA IPINASARANG LUMAD SCHOOLS IPINABABALIK
BINUHAY ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang panawagan sa Department of Education na ibalik na ang permit sa mga Lumad school na ipinasara upang makapagpatuloy ng pag-aaral ang mga kabataang Lumad.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Indigenous People’s Day.
“Bilang sektor na nagsusulong ng edukasyon ng ating kabataang
minorya, mga Lumad at iba pang minorities, nakikiisa ang ACT Teachers Party-List sa pagdiriwang ng Indigenous People’s Day, nagpupugay ang ACT Teachers Party-List sa determinasyon nila sa kabila ng mga threat at harassment, sa kabila ng mga pagpapalayas sa kanilang lupang ninuno,” pahayag ni Castro.
Pinuri ni Castro ang mga IP sa patuloy nilang pakikipaglaban at pagiging matatag sa paninindigan para sa lupang ninuno at sa kanilang karapatan sa self-determination.
Umaasa rin ang kongresista na magiging totoo ang DepEd sa kanilang mga ipinahayag na pinahahalagahan nila ang karapatan ng IP community.
Mistulang hinamon pa ng lady solon ang DepEd na patunayang hindi sila kapasakat sa pagpapasara sa mahigit 100 eskwelahan na itinayo ng mga Indigenous People at mga katutubo sa kani-kanilang lugar.
Hinimok din ng kongresista ang IP community na patuloy nilang pagyamanin ang kanilang kultura at bigyan ng edukasyon ang kanilang kabataan.