PEBRERO 10 IPINADEDEKLARANG NATIONAL ANTI-HAZING DAY
NAIS ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na ideklara ang Pebrero 10 ng kada taon bilang national anti-hazing day.
Sa pagsusulong ng House Bill 5007 o ang proposed National Anti-Hazing Day Act, sinabi ni Rodriguez na dahil sa ‘barbaric traditions’ ay marami nang buhay ang nawala at tuluyan nang namatay ang mga pangarap.
Sa datos ng kongresista, simula noong 1954, nang maitala ang unang biktima ng hazing, umabot na sa 40 ang namatay dahil sa tradisyong ito.
“The 40 deaths are senseless and should have never happened. The victims had bright futures ahead of them,” pahayag ni Rodriguez sa kanyang explanatory note.
Inihalimbawa ng kongresista ang mga hazing victim na sina Lenny Villa, Horacio ‘Atio’ Castillo at Darwin Dormitorio.
“This shows that there is need to further educate and remind the people on the realities of hazing and the provisions of the Anti-Hazing Act of 2018. We have to stop hazing once and for all,” diin pa ni Rodriguez.
Alinsunod sa panukala, pangungunahan ng Commission on Higher Education ang mga programa at aktibidad sa National Anti-Hazing Day.
Ang lahat ng programa at aktibidad sa naturang araw ay magpapaalala sa kabataan, partikular sa mga estudyante sa masasamang dulot ng hazing.