Nation

PAULIT-ULIT NA SUSPENSYON NG F2F CLASSES DAHIL SA MATINDING INIT ‘DI NA DAPAT MARANASAN SA SUSUNOD NA TAON — SOLON

/ 3 May 2024

HINDI na uubra sa susunod na taon ang paulit-ulit na suspensiyon ng in-person classes kapag masyadong mainit ang panahon.

Ito ang binigyang-diin ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa gitna ng patuloy niyang pagsuporta sa agresibong hakbangin upang agad na maibalik ang dating school calendar.

“Early this year at nararamdaman pa lang ang init ay sinabi na natin na dapat na kagyat na ibalik na sa old school calendar next year,” pahayag ni Castro.

“Sa susunod na school year, ‘di na uubra na magdeclare na lang palagi ng asynchronous ang classes kapag masyado ng mainit dahil hindi naman din ito epektibong paraan ng pagtuturo,” dagdag ng kongresista.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat ay mas bilisan ang paggawa at damihan pa ang mga classroom na may maayos na ventilation upang hindi parang pugon ang mga ito at conducive sa pagtuturo at pagkatuto.

“Kaya mabuti at nakikinig ngayon ang DepEd sa panawagan ng mga guro at estudyante. Kailangan din lang na maglunsad ng mga dayalogo para maplantsa ang pagpapatupad ng old school calendar,” dagdag ni Castro.