Nation

PASILIDAD NG PRIVATE SCHOOLS PINAGAGAMIT SA ONLINE BASIC EDUCATION

/ 15 August 2020

INIREKOMENDA ng Coordinating Council of Private Educational Associations sa Department of Education na gamitin ang pasilidad ng mga pribadong paaralan para sa online basic education.

Sinabi ni COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada na matagal nang handa ang mga pribadong basic education institution sa online learning dahil bago pa man ang Covid19 pandemic ay nagpapatupad na sila ng naturang sistema.

Subalit sa kabila ng kahandaan ng mga pribadong institusyon, bagsak naman, aniya, ang kanilang enrolees kaya hindi rin nagagamit ang mga pasilidad.

Sa pinakahuling tala ng DepEd, kabuuang 23.078 milyong estudyante ang nag-enroll o katumbas ng 83 porsiyento ng 27.770 milyong estudyante noong nakaraang school year kung saan 21.484 milyon ang nasa pampublikong paaralan.

Sa pribadong paaralan, 1.554 milyon lamang ang nag-enroll mula sa 4.304 milyon noong nakalipas na school year o katumbas ng 36.1 porsiyento lamang ng kabuuang bilang.

Dahil dito, aminado si Estrada na maraming private institutions ang sadyang nahihirapan kaya hiniling nito sa DepEd kung maaaring ikonsidera ang pag-contract out sa mga private school.

Sa suhestiyon ni Estrada, maaaring maglabas ng ayuda ang gobyerno sa pamamagitan ng voucher system para magamit sa mga private school.

Kinokonsidera  naman ni Senador Win Gatchalian na magandang ideya ang suhestiyon ni Estrada na posibleng talakayin sa kanilang bicameral conference committee meeting hinggil sa Bayanihan to Recover as One Act ang paglalaan ng pondo para rito.

“That’s a very good idea, gamitin natin underutilization.  In Bayanihan law, may fund naman we can probably channel some funds into voucher system. Kung  andiyan na sila gamitin na natin,” pahayag ni Gatchalian.