PASIG NAMAHAGI NG FOOD PACKS, NUTRIPACKS SA DAYCARE PUPILS
NAMAHAGI ng food packs at nutripacks ang lokal na pamahalaan ng Pasig sa mga daycare pupil at supervised neighborhood play student ng lungsod para masiguro na nananatiling malusog ang mga batang Pasigeño sa gitna ng pandemya.
Simula Setyembre 9 hanggang Setyembre 16 ay naglibot ang daycare workers, SNP leaders, at barangay health care workers sa 30 barangays ng lungsod para mamigay ng family food packs mula sa lokal na pamahalaan at nutripacks mula sa DSWD-NCR.
Umabot sa 11,000 SNP at daycare beneficiaries ang naserbisyuhan ng paglilibot na ito.
Bukod dito ay nagsagawa rin ng measurement of mid-upper arm circumference ang barangay nutrition scholars upang masigurado na hindi malnourished ang mga bata, at pati na rin Patak Vitamin A.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaaan na sumusunod sa health protocols at guidelines ang mga naglilibot na frontliners ng lungsod.
Samantala, inihayag ng lokal na pamahalaan na tuloy-tuloy pa rin ang enrollment sa daycare.
“Maaaring ipasa ang mga requirements sa daycare center na malapit sa inyong tahanan. Hanapin lamang po ang teacher-in-charge sa nasabing daycare center. Kung wala pang proof of residency sa kasalukuyan, maaari naman itong to follow ngunit kailangang mai-submit ang photocopy ng birth certificate ng bata,” pahayag ni Pasig Mayor Vico Sotto.
Hanggang Setyembre 30, 2020 na lamang ang enrollment para sa daycare centers.
Nilinaw rin ng alkalde na sapat na ang anumang proof of residency para makapag-enroll sa daycare program ng lungsod at hindi na required ang voter’s registration o cedula.
“Pasensiya na po, nagkamali lang na nakopya ito mula sa lumang listahan ng mga requirements,” sabi ni Sotto.