PASIG MAMAMAHAGI NG FOOD PACKS SA MGA MAG-AARAL
NAKATAKDANG mamahagi ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng mga nutrition food pack sa mga batang mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
“Inilunsad natin ngayong buwan ang malusog na batang Pasigueño kung saan makakatanggap ng isang nutrition food pack kada buwan ang 147,484 mag-aaral sa Pasig (mula sa mga pampublikong elementarya at high school, SPED, at pati community-based ALS),” sabi ni Mayor Vico Sotto sa kanyang Facebook post.
“Bukod sa masustansiyang pagkain, mayroon itong vitamins na makatutulong na makuha ng mga kabataan ang tamang nutrisyon,” dagdag pa ng alkalde.
Naniniwala ang punong-lungsod na susi sa maayos na physical at mental development ng isang bata ang tamang nutrisyon.
“Nakaka-miss nga lang ang mga bata sa programa (PTA lang muna ang kasama sa launching),” sabi ni Sotto.
“Sana makatulong ito sa mga pamilyang nangangailangan, lalo na ngayong pandemya… higit sa lahat para maipagpatuloy ng bawat batang Pasigueño ang kanilang pag-aaral,” dagdag pa ng alkalde.