Nation

PASIG LGU PLANONG I-DONATE ANG TABLETS SA GRADUATING SHS STUDENTS

/ 8 June 2021

Plano ng lokal na pamahalaan ng Pasig na i-donate na lamang ang mga tablet sa mga magsisipagtapos na mag-aaral sa Senior High School o Grade 12.

“Magpapaalam po tayo sa COA [Commission on Audit] na kung puwede nating i-donate ‘yung tablets na hawak ng mga graduating student,” sabi ni Mayor Vico Sotto sa kanyang Facebook Live Lunes ng umaga.

“Kasi technically property ‘yan ng lokal na pamahalaan. ‘Yung accountable officers diyan yung mga teacher natin, siyempre kinakabahan din ‘yung mga teacher natin baka mamaya sa kanila hanapin. Pero susubukan ko na mapasainyo ‘yan,” sabi ng alkalde sa mga graduating SHS student.

Sa mga graduating Grade 6 student ay sinabi ni Sotto na walang magiging problema kung isasauli ang hawak nilang tablet dahil maaari rin naman silang makahiram ng panibagong tablet sa lilipatan nilang paaralan sa lungsod.

“Para sa mga Grade 6 naman mahirap ‘yung palipat-lipat ano ‘yung tablets natin. Kunwari galing ka sa isang school tapos lilipat ka ng high school ang hirap na lilipat din ‘yung tablet, so isasauli ‘yung tablet sa school tapos kukuha ng bago dun sa bagong school,” dagdag pa ni Sotto.

“Pero ‘yung mga graduating students, ‘yung mga Grade 12 natin, pag-college hindi naman under ng DepEd [Department of Education] ‘yun, pero pipilitin po natin at i-update ko kayo kung papayagan tayo at kung magagawan natin ng paraan na i-donate na po ‘yun dun sa mga estudyante,” sabi pa ng alkalde.

Bilang tulong sa kanilang pag-aaral sa online ay namigay ng mga tablet ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga estudyante na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.