PASIG ‘DI MUNA MAGHIHIGPIT SA REQUIREMENTS PARA SA SCHOLARSHIP
INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pasig na hindi muna sila masyadong maghihigpit sa mga requirement para sa scholarship program ng lungsod dahil sa kasalukuyang kinakaharap na pandemya.
“Kunwari hindi niya pa ma-submit sa scholarship office ‘yung ibang mga requirement, binigyan natin ng instruction ‘yung mga staff ng scholarship program na ‘wag muna masyadong istrikto kasi may ibang paaralan hindi pa sila nakakapagbigay ng certified true copy, may mga ibang paaralan sarado ‘yung admin office, so hindi nila makuha ‘yung requirements,” paliwanag ni Pasig Mayor Vico Sotto.
Sinabi ng alkalde na maaaring isumite ang application form online basta ang mahalaga ay sagutan nang makakatohanan ang mga katanungan at hinihinging impormasyon.
“Basta ang mahalaga dun sa form, doon sa isa-submit nila, actually online nga ‘yung unang submission para mabawasan ‘yung bilang sa city hall basta makatotohanan ‘yung sinagot nila ‘yun na po ang basis natin,” sabi ni Sotto.
“Huwag lang mahuli na may mali or may kasinungalingan sa form, iilan lang naman ang gumagawa nun. Pero ang importante ni-relax natin ‘yung rules para dun sa hindi ma-comply lahat-lahat pa. Basta alam naman nila kung ano ‘yung grades nila, ‘di po ba?”Basta nag-meet sila dun sa grades kahit photocopy muna ng report card, kahit hindi muna certified true copy,” dagdag pa ng batang alkalde.
Nitong nakaraang linggo lamang ay pinaalalahanan ni Sotto ang mga iskolar ng lungsod na hindi nila dapat tanawin na “utang na loob” sa kahit sinuman, lalong-lalo na ang mga politiko, ang libreng edukasyon.
“Mabuhay ang mga iskolar ng Pasig! Laging tandaan na wala tayong utang na loob kahit kanino (lalo na sa politiko) dahil pera ito ng taumbayan. Mag-aral lang kayo nang mabuti at sulit na ang investment ng lungsod sa inyo,” sabi ni Sotto sa kanyang post sa Twitter.
May 18,200 iskolar ang lokal na pamahalaan para sa taong pampaaralan 2020-2021.