‘PASAWAY’ SA UST SORSOGON PAIIMBESTIGAHAN
NANINDIGAN ang University of Sto. Tomas na sumusunod sila sa health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force For the Management of Infectious Diseases (IATF-MEID).
Kaya naman nagpahayag ng unibersidad na kanilang iimbestigahan ang umano’y paglabag ng kanilang basketbolista sa quarantine protocols nang mag-ensayo ang mga ito sa isang basketball court sa Sorsogon City.
Agad ding bumuo ng komite ng imbestigador para siyatin ang antas ng paglabag ng UST Growling Tigers sa Sorsogon.
Pagtitiyak pa ng UST na kaisa sila sa layunin ng pamahalaan na iwasan ang COVID-19 contagion sa pamamagitan ng pag-obserba sa physical distancing.
“We always endeavor to support the concerted government effort to ensure that proper social and physical distancing environments are in place,” ayon sa pahayag ng UST.
Tiniyak din ng UST na hindi nila kinukunsinti ang paglabag sa health protocols ng kanilang mga tauhan at mag-aaral.
Maging ang Philippine Sports Commission ay nagsabi na sinimulan na nila ang imbestigasyon sa umano’y pagiging pasaway ng mga miyembro ng kanilang basketball team makaraang makita ang isang video na nagpa-practice ang Growling Tigers’ sa Sorsogon City.