Nation

PARENTS NG MGA MAG-AARAL MAY AGAM-AGAM SA COVID19 VACCINE

/ 31 January 2021

BAGAMAN buong mundo ay isinusulong ang massive immunization upang wakasan na ang pandemya, may mga magulang pa rin ng mga estudyante, lalo na sa elementary at high school ang nangangamba sa Covid19 vaccine na parating na sa susunod na linggo.

Isa si Mary Rose Rayandayan, may tatlong anak na estudyante — ang dalawa ay nasa high school at ang isa ay nasa elementary.

Sa panayam ng The POST, sinabi ni Rayandayan na bagaman puspusan ang kampanya ng local government units hinggil sa pagbabakuna, hindi maalis sa kanya ang takot lalo na’t marami umanong nababasa sa social media na side effects ng bakuna sa tao.

Aminado ang ginang na 50-50 ang tiwala niya sa bakuna at malamang din na susunod na lang siya sa utos ng pamahalaan para hindi naman kapitan ng coronavirus disease ang buong pamilya.

“Siguro ho ay hindi na lang kami magpapauna, talagang kabado pa rin kasi kami,” ayon kay Rayandayan.

Samantala, upang maging ehemplo at pawiin ang takot sa pagbabakuna laban sa Covid19 ay determinado si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na pangunahan ang vaccination.

Sinabi ng alkalde na payag siya na mabigyan ng unang dose ng AstraZeneca vaccine kapag dumating na sa lungsod ang naturang bakuna upang ipakita sa mga residente na ligtas ito sa kanila.

Noong Enero 29 ay nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng information campaign upang maging matagumpay ang inoculation program.