PARANAQUE MAY SUMMER JOBS PARA SA MGA ESTUDYANTE
TUMATANGGAP na ng aplikasyon ang lokal na pamahalaan ng Parañaque mula sa mga estudyante na nais magtrabaho sa pribadong kompanya sa ilalim ng special program for employment of students.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na sa pamamahala ng Public Employment Service Office, sa kasalukuyan ay nangangailangan ang mga pribadong kompanya sa lungsod ng 60 aplikante ng SPES.
Ayon kay Olivarez, ang mga kwalipikadong aplikante sa SPES program ay maaaring bumisita at sumagot ng form sa pamamgitan ng link na: https://forms.gle/Za8Y2CULURKVQaTE7 o magpadala ng mensahe sa [email protected].
Pinaalalahanan din ni Olivarez ang mga aplikante na bisitahin ang PESO Facebook page para malaman ang requirements bago pa man magsumite ng kanilang mga dokumento sa PESO.
Prayoridad sa hinahanap ng PESO ang mga aplikante na napapabilang sa sektor ng indigent na residente ng lungsod, 18-29 taong gulang, kasalukuyang nag-aaral o kaya ay out-of-school youth (OSY), walang nakikitang tattoo sa katawan at hindi makulay ang buhok.
Kinakailangan din na fully vaccinated ang mga aplikante at may health card o medical certificate na galing sa health centers na magpapatunay na sila ay ‘fit to work.’
Bukod sa nabanggit na mga requirement ay kailangan ding magsumite ang mga aplikante ng kopya ng kanilang birth certificate; 2022 income tax return ng magulang kung parehong nagtatrabaho na may pinagsamang suweldo na hindi lalagpas sa P197,868 o original copy ng 2021 BIR certificate ng tax exemption pati na rin ang orihinal na kopya ng barangay certificate of indigency.
Para sa mga estudyanteng aplikante ay kailangang magsumite ang mga ito ng orihinal na kopya ng school’s certification of passing grades at sa mga out-of-school youth naman ay magdala ang mga ito ng orihinal na kopya rin ng barangay certificate o galing sa Department of Social Welfare and Development pati na rin ng voter’s identification card o voter’s stub ng magulang.