Nation

PAPEL NG PRIVATE BASIC EDUCATION PALALAKASIN

/ 20 September 2020

SA LAYUNING mapigilan ang exodus ng mga estudyante at guro mula sa pribadong paaralan patungo sa pampublikong institusyon, isang panukala ang isinusulong sa Kamara para palakasin ang papel o mga tungkulin ng private basic education sa bansa.

Sa House Bill 6349, iminumungkahi nina Tingog Sinirangan Partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez ang pagbuo ng Partnership in Private Education Board at Partnership Fund for Private Education.

“This bill seeks to enhance the partnership between the government and the private institutions in addressing the gap in relation to the educational system in the Philippines,” pahayag ng mga kongresista sa kanilang explanatory note.

Ipinaliwanag ng mga mambabatas na bagama’t mayroon nang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education, marami pa ring dapat solusyunan ang lumalawak na agwat sa educational system sa bansa.

Batay sa panukala, magiging mandato ng bubuuing board na nasa ilalim ng Department of Education ang pagbalangkas ng mga polisiya, prayoridad, programa at proyekto para sa edukasyon.

Magsisilbing chairperson ng board ng kalihim ng DepEd habang miyembro nito ang mga pinuno ng ilang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang chairman ng Commission on Higher Education at director general ng Technical Education and Skills Development Authority.

Kasama rin sa board ang tig-dalawang kinatawan mula sa mga samahan ng administrators, teachers at non-teaching personnel ng mga private basic educational institutions.

Nakasaad sa panukala na pagkakalooban ang Board ng taunang budget sa ilalim ng General Appropriations Act sa pamamagitan ng Partnership Fund for Private Education.

Gagamitin ang partnership fund sa mga programa sa private basic educational institutions kasama na ang service contracting payments sa pamamagitan ng student voucher system; salary subsidy sa mga guro sa private educational institutions; subsidiya para sa loans at iba pang mga proyekto.