PANUNTUNAN SA PAGTATAYO NG LOCAL COLLEGES AND UNIVERSITIES PINABUBUO
ISINUSULONG ni DIWA Partylist Rep. Michael Edgar Aglipay ang pagbalangkas ng mga patakaran at gabay sa pagtatayo at operasyon ng local colleges and universities.
Sa House Bill 524 o ang proposed The Local Colleges and Universities Governance Act, ipinaliwanag ni Aglipay na dahil marami sa mga pamilya ng mga estudyante ang nahihirapan sa gastusin sa higher education, maraming lokal na pamahalaan ang nagtatayo ng kani-kanilang local colleges and universities.
“This initiative is laudable, but a legal framework is necessary to provide definite and centralized guidelines on the establishment of these LCUs,” pahayag ni Aglipay sa kanyang explanatory note.
Sasaklawin ng panukala ang mga bagong higher education institution na itatayo pa lamang ng mga lokal na pamahalaan; mga HEI na pinamumunuan ng mga lokal na pamahalaan na nag-o-offer pa lamang ng non-degree program subalit magbibigay rin ng degree program sa mga susunod na panahon; mga local college na nais maging university status at kasalukuyang local colleges and universities na hindi pa nakatutugon sa standards.
Batay sa panukala, kailangang kumonsulta sa Commission on Higher Education ang LGU na babalangkas ng ordinansa para sa pagtatayo ng LCU sa kanilang nasasakupan upang matiyak na masusunod ang lahat ng requirement sa operasyon ng isang HEI.
Inoobliga rin sa panukala ang lokal na pamahalaan na maglaan ng regular annual appropriation para suportahan ang operasyon ng LCU.
Ang panukala ay kasalukuyang tinatalakay ng technical working group ng House Committee on Higher and Technical Education.