Nation

PANUKALANG PAGBABAGO SA EDUKASYON SA ECO CHA-CHA BILL NAKATUTOK SA TERTIARY EDUCATION

/ 4 February 2024

NILINAW ni Senador Juan Edgardo Angara na limitado sa higher or tertiary education ang panukalang pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas, pagdating sa isyu ng edukasyon.

Binigyang-diin ni Angara na layon ng pag-amyenda na mapalakas pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa lalo na pagdating sa kolehiyo.

Sa Lunes, aarangkada na ang pagtalakay ng subcommittee ng Senate Committee on Constitutional Amendments sa isinusulong na Resolution of Both Houses 6 na naglalayong baguhin ang tatlong probisyon sa ekonomiya sa ilalim ng Saligang Batas.

Ito ay ang may kinalaman sa public utilities at services, education sector at sa advertising.

“Dito sa education institution, limitado lang sa higher or tertiary education. Sino ba ang pinakamamagaling na unibersidad, meron tayo UP, Ateneo, La Salle, pasok yan sa top 1000 university. Pero bakit hindi tayo makipagpartner sa International Universities?,” pahayag ni Angara sa panayam ng DWIZ.

“Ginagawa na iyan sa Singapore, napapanahon na rin ‘yun dahil ang mundo ng mga ideya international na rin yan. Baka malugi tayo kung hindi natin payagan,” dagdag ni Angara na naatasang mamuno sa subcommittee.