PANUKALANG MAGBIBIGAY-LINAW SA TAX RATES SA PRIVATE SCHOOLS LUSOT NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Ways and Means ang panukala na naglalayong bigyang-linaw ang tax rates para sa mga proprietary school upang payagan silang ma-avail ang 10 percent preferential rate sa taxable income.
Sa inaprubahang panukala na iniakda ng chairperson ng panel na si Albay Rep. Joey Salceda, ang preferential tax rate na 10 percent sa proprietary educational institutions ay ibababa sa isang porsiyento simula July 1, 2020 hanggang June 30, 2023, bago ito muling ibalik sa 10 percent.
“During the briefing, we reached a consensus and came up with a draft which also adopted some recommendations of the Coordinating Council of Private Educational Associations. The draft clarified that the preferential tax rate, now 1% of their taxable income under CREATE, applies to all proprietary schools,” paliwanag ni Salceda.
Layon ng panukala na hadlangan ang implementasyon ng kautusan ng Bureau of Internal Revenue na nagpapataw ng 25 percent na buwis sa private educational institutions mula sa 10 porsiyento.
Iginiit ni Salceda na pangunahing layunin nila na matulungan ang mga paaralan na makapag-hire pa ng mga bagong guro at mapanatili ang kanilang kasalukuyang staff.
“It will help private schools keep their teachers. They already had to fire teachers due to the pandemic. I think the whole committee agrees we should provide them relief,” diin ni Salceda.
Sa sandaling maipatupad ang probisyon ng panukala, kabuuang 3.43 percent ng compensation expenses ang matitipid ng mga paaralan na maaaring gamitin sa pagkuha ng mga bagong guro.
Sa pamamagitan din ng panukala, sinabi ni Salceda na hindi na iisipin pa ng mga pribadong paaralan ang kinakailangan nilang bayarang buwis sa panahon na malabo ang implementasyon ng regulasyon.
“The aim is also to ensure that the BIR is also absolved from any refund liabilities. It’s a good compromise and was the premise of the agreement between me and the BIR,” dagdag ni Salceda.