Nation

PANUKALA PARA SA PAGBABALIK NG MANDATORY ROTC SA KOLEHIYO PASOK SA PRIORITY BILLS NG SENADO

/ 28 September 2024

NILINAW ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na nasa linya pa rin ng kanilang priority bills ang panukalang nagmamandato na ibalik ang Reserve Officers Training Corps or ROTC training sa kolehiyo at maging sa technical vocational institutions.

Ito ay sa kabila ng pag-amin ni Escudero na hindi nagbabago ang kanyang posisyon laban sa panukala.

Bago nagsara ang sesyon nitong Miyerkoles, nasa period of interpellations ang Senado sa panukala na huling natalakay noong August 31.

Kinumpirma rin ni Escudero na mayroon na ring go signal mula sa Malakanyang na gawan ng mga pag-amyenda ang Mandatory ROTC bill.

Sa kasalukuyan, nakasaad sa panukala na lahat ng estudyante, babae man o lalaki, ay kabilang sa isasalang sa ROTC program.

Sakop naman ng programa ang basic military at police traning, pagsasanay at kaalaman sa pagiging makabayan, mga traininhg para sa human rights, pagtulong sa komunidad, pagtugon sa kalamidad at iba pang programang huhubog sa kakayahan ng mga estudyante.

Alinsunod sa panukala, hindi papayagang maka-graduate sa higher educational institutions at vocations schools ang mga hindi magtatapos ng Basic ROTC program.

Sa kabila nito, kinumpirma ni Escudero na nakahanda pa rin siyang bumoto laban sa panukala sa sandaling pagbotohan na ito.

Una nang hiningi ni Escudero sa mga nagsusulong ng panukala ang scientific study na magpapakitang bigo ang kasalukuyang National Service Training Program sa paghubog sa kabataan kaya ninanais ibalik ang ROTC.