Nation

PANGUNGULIT PARA SA ‘ACADEMIC FREEZE’ MULING IBINASURA NG DEPED

/ 18 November 2020

SA KABILA ng magkakasunod na bagyo na nanalasa sa bansa ay iginiit ng Department of Education na hindi ito magpapatupad ng ‘academic freeze’.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali na hindi mangyayari ang academic freeze dahil nakapag simula na ng school year at walang bansa na nagpatupad nito.

“Hindi na po siguro mangyayari ito dahil sa nabanggit ko, bukod sa maaaring i-correct ninyo po ako, kung may alam po tayong bansa na maaaring hindi po nagtuloy ng kanilang unang araw ng pasukan dahil sa Covid19, parang wala po,” sabi niya.

Dagdag pa ng opisyal, ang tamang polisiya ay magpatuloy ang edukasyon sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng bansa.

“Kung gagawin nating barometro ang ginagawa ng buong mundo tungkol sa edukasyon ng mga bata, wala pong nagka-academic freeze dahil palagay po namin ito ang tamang polisiya, ang magpatuloy. At ang nakikita po natin, with the latest issuance ay maging flexible na lang tayo,” dagdag ni Umali.

Bagaman walang academic freeze, sinabi niya na mayroon namang academic ease kung saan maluwag at flexible ang pagpapasa ng requirements upang hindi mahirapan ang mga estudyante.

“Di po tayo ngayon mahigpit na nagpapatupad ng requirements sa mga bata nang makasabay at matugunan po itong mga pangangailangan na ito,” pahayag niya.

Iniurong na rin ng DepEd ang first quarter examinations mula Nobyembre sa Disyembre 12 upang mas mabigyan ng oras ang mga estudyante na mag-aral.