PANGANGAILANGAN SA ROTC NABIGYANG-DIIN SA LINDOL
DAHIL sa malakas na lindol sa ilang bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila nitong Miyerkoles, sinabi ni Senador Robin Padilla na mas nakita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng Reserved Officers Training Corps o ROTC.
Binigyang-diin ni Padilla na kung buhay ang ROTC sa bansa, mabilis na matatawag ang kabataan upang tumulong sa mga operasyon matapos ang lindol.
“‘Yan ang gusto ko sa ROTC, magkaroon ng command. Halimbawa, mag-mobilize halimbawa kahapon may lumindol. Kung buo ang ROTC natin ang daling tawagin. ‘Pag tinawag mo organisado na sila naka-platoon na sila, ang dali na silang utusan. Meron lang sinusunod na discipline, meron nang commander,” pahayag ni Padilla.
Sinabi ng senador na kalidad ng disiplina ang isa sa problema ng bansa na siya namang tinutugunan ng ROTC.
Kasabay nito ay iginiit ni Padilla na dapat nang palakasin ang disaster resilience at response lalo na sa local level.
Mungkahi pa ng senador na dapat bigyan ng kalayaan ang mga lokal na pamahalaan na magdesisyon at bigyan sila ng karampatang pondo para sa kanilang disaster response.