PANGANGAILANGAN NG MGA GURO PINATUTUTUKAN SA DEPED
BAGAMA’T nagagalak sa pagtataya ng Department of Education na handa ang lahat ng mga paaralan para sa face-to-face classes sa susunod na school year, sinabi ng Teachers’ Dignity Coalition na dapat ding tutukan ng kagawaran ang mga pangangailangan ng mga guro.
“Nagagalak po kami na sa pagtataya ng DepEd ay handa ang lahat ng mga paaralan natin para sa face-to-face classes sa susunod na school year,” sabi ni Benjo Basas, national chairman ng grupo.
“Gayunman, nais naming paalalahanan ang pamunuan ng kagawaran na marami pang mga kakulangan ang dapat na tutukan hindi lamang sa mga pisikal na pangangailangan sa classroom kundi maging sa mga suportang kakailanganin ng ating mga guro,” dagdag ni Basas.
Handa, aniya, ang grupo na makipagtulungan sa ahensiya upang matiyak na magiging maayos ang full implementation ng physical classes sa darating na taong pampaaralan.
“Nakahanda po kami na makipagtulungan sa pamunuan ng DepEd, sa kasalukuyan at maging sa papasok na administrasyon upang matiyak na maayos at matagumpay ang implementasyon ng face-to-face classes sa susunod na school year,” ani Basas.
Naunang sinabi ng DepEd na inaasahan nila na lahat ng mga paaralan ay makapagsasagawa na ng face-to-face classes sa susunod na school year.