Nation

PANAWAGAN NG TEACHERS COALITION: LIBRO HINDI MODULES!

/ 23 September 2020

HINIMOK ng Teachers’ Dignity Coalition ang pamunuan ng Department of Education  na ipatigil muna ang produksiyon ng modules na gagamitin sa distance learning modality ngayong akademikong taon.

Ayon sa grupo, kailangang  mapag-aralang mabuti at masuri ang praktikalidad  ng paggamit ng mga module bago ituloy ang produksiyon nito.

“Sinasabi ng DepEd na handang-handa na sila sa pasukan pero iba ang mga ulat na nakararating  sa atin, ang mga nakikita natin at ang araw-araw na dinaranas ng ating mga guro sa field. Malinaw po na hindi pa nakahanda sa pasukan kung ang modules ang pagbabatayan,” pahayag ni Benjo Basas, national chairperson ng grupo.

Ayon kay Basas, bagaman nais na rin nilang matuloy ang pasukan sa Oktubre 5 ay hindi mawawala ang agam-agam sa mga guro at magulang dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin kumpleto ang mga module kahit yaong para sa first grading period lamang.

“Kung hindi pa naman napi-print ang modules for second quarter, mas mainam na itigil muna ang printing nito, kung sakaling matuloy man ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5, maaaring gamitin ang mga available na aklat at mag-imprenta na lamang ng mga kulang. Sana maisip ito ng DepEd at huwag nang pahirapan pa nang husto ang mga guro at administrador ng mga paaralan,” dagdag pa ni Basas.

Marami umanong natatanggap na ulat ang TDC na ang modules na naihahanda ay yaong para lamang sa unang dalawang linggo hanggang sa unang buwan. Ito’y sa kabila ng pahayag ng DepEd kamakailan na nasa 98 porsiyento na ang kahandaan nila sa pamamahagi ng modules.

“Ang sa amin lang po ay huwag nang ipilit. Napakarami nang violations ang nagawa dahil sa pagpipilit na ito. May mga guro na nagsulat ng sariling modules para sa kanilang paaralan, nag-solicit ng pambili ng papel,  ink at printers, mayroong nakipag-barter ng halaman o dumukot ang sariling pera para makapag-produce lang ng modules. Nakaparami rin ang pinag-report sa schools para mag-photocopy at mag-sort ng modules na tila ba hindi alintana ang panganib na dala ng Covid19. Ang lahat ng mga ito ay bawal ayon sa panuntunan ng DepEd. Pero ginagawa ito ng ating mga guro sapagkat wala nang ibang paraan kaysa maghintay sa wala,” pagpapatuloy pa ni Basas.

Sinabi pa niya na dapat na pag-isipan ng DepEd kung gagastos pa ba ang ahensiya ng malaking halaga para sa modules na baka sa huli ay masasayang lamang.

Matatandaang P9 bilyon  na ang ginastos ng DepEd para sa modules lamang at humihingi pa ito ng karagdagang P15 bilyon sa susunod na taon para sa learning materials kasama na ang modules.

“Si Secretary [Leonor] Briones na mismo ang nagsabi na magastos at may malaking implikasy-on sa kapaligiran ang paggamit ng modules, baka raw maubos ang mga puno natin dahil sa malaking pangangailangan sa papel. ‘Yun naman pala eh, bakit kailangan pang ipilit nang ipilit ito? Bakit hindi na lamang mga libro ang ipagamit sa mga bata at gawaan na lang ilang pahinang gabay sa mga gawain?” tanong ni Basas.

Ayon sa TDC, patuloy silang makikipag-ugnayan sa pamunuan ng DepEd upang mapag-usapan ang isyung ito at kung hindi na naman sila pakikinggan ay muli nilang idudulog sa mga mambabatas at sa Pangulo na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.

“Nakahanda naman po ang mga guro na makipagtulungan at nakahanda rin na gumampan sa mga tungkulin kung sakaling matutuloy na ang pasok sa Oktubre 5, pero sana ang kahandaang ito ay tumbasan naman ng pagmamalasakit at paglingap mula sa pamunuan ng DepEd,” pagtatapos ni Basas.

Ang posibilidad ng paggamit ng libro sa halip na modules ay inihayag na ng TDC sa isang pag-dinig ng Basic Education Committee sa Senado sa pamumuno ni Sen. Sherwin Gatchalian nitong nakaraang linggo.