Nation

PAMAMAHAGI NG SCHOOL CHAIRS TULOY-TULOY KAHIT MAY PANDEMYA

/ 10 August 2021

TINIYAK ni Senadora Cynthia Villar ang tuloy-tuloy na pamamahagi nila ng school chairs na gawa sa recycled plastic wastes sa iba’t ibang pampublikong paaralan at farm schools sa gitna ng pandemya.

Pinakahuling benepisyaryo ng plastic chairs ng Villar SIPAG o Social Institute for Poverty Alleviation and Governance, ang Indigenous People sa Barangay Laiban, Tanay, Rizal, at Conrazon Elementary School sa Brgy. Bansud, Oriental Mindoro.

Ibinigay ang mga silya sa IP sa tulong ng Multi Sectoral Advisory, 2nd Infantry Division sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.

Isinagawa naman ang turnover ng chair-donation sa Conrazon Elementary School sa tulong ng 203rd Brigade ng Philippine Army sa ilalim ni B/Gen. Jose Augusto Villareal.

Bukod sa nakatutulong sa pagresolba sa suliranin ng pamahalaan kaugnay sa kakulangan ng school chairs, iginiit ni Villar na nababawasan din ang basura dahil sa recycling ng plastic wastes.

“Eventually, the recycling plays a significant role in the government’s waste management program that would help create a clean and healthy environment,” sabi ni Villar.

Inihayag din ng chairperson ng Senate Environment Committee na dahil sa recycling wastes, nagkakaroon ng kabuhayan at kita ang mahihirap na komunidad at factory workers sa recycling facilities.

Idinagdag pa ng senadora na makapagtatrabaho rin ang mga kababaihan sa recycling facilities upang matulungan ang kanilang mga asawa sa paghahanapbuhay.

Binigyan-diin ni Villar na plastic ang pangunahing basura base na rin sa buwanang clean-up activity sa Las Pinas-Paranaque Wetland Park.

“We have a lot of plastic wastes here in Metro Manila. When disposed improperly, they could clog our drainage systems and eventually cause flooding, which in turn spreads diseases,” pahayag ni Villar.

Sinabi pa ni Villar na kailangan ang 20 kilong soft plastics gaya ng food wrapper para makagawa ng isang school chair na puwedeng gawin na mukhang kahoy at may replaceable parts.