PAGWASAK SA LUMAD SCHOOL, PAGWASAK SA KARAPATAN SA EDUKASYON — SOLON
KINONDENA ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat ang pagwasak sa isang Lumad school na una nang ipinasara sa lalawigan ng Bukidnon.
Tinukoy ni Cullmat ang Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. sa Sagundanon, Kitaotao, Bukidnon.
“Matapos itong sapilitang ipasara noong isang taon ay sinira pa at tinakot ang mga katutubong Lumad doon para kasabwatin sa ginawang pangwawasak. Napakasakit nito para sa aking mga kapwa Lumad dahil pagod at pawis ang aming ipinuhunan para maitayo ang mga paaralang ito sa sariling pagsisikap at mapag-aral ang aming mga anak,” pahayag ni Cullamat.
Iginit ng mambabatas na dahil sa pagpapasara at pagwasak sa istruktura ng paaralan ay lalong nawalan ng oportunidad ang mga kabataang Lumad para sa dekalidad na edukasyon.
“Ang katumbas nitong pagwasak sa aming mga paaralan ay pagwasak din sa karapatan sa edukasyon ng kabataang lumad. Sa kabila ng walang kahandaan ng gobyerno para sa ligtas na balik-eskwela ngayong pandemya, patuloy na inilulubog ng gobyerno ang lagay ng edukasyon sa pagpapaigting ng militarisasyon sa mga Lumadnong komunidad at mga paaralan,” diin ng mambabatas.
Muling iginiit ng kongresista ang panawagan na itigil na ang operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict dahil sinisira lang umano nito ang pagsisikap ng mga Lumad na paunlarin ang kanilang mga komunidad habang dinedepensahan ang lupang ninuno para sa susunod na henerasyon.
“Karapatan at tungkulin naming ipagtanggol ito laban sa mga dayuhang korporasyon ng mina at logging at iba pang proyekto ng mga dayuhang ganid sa likas yaman sa bansa,” sabi pa niya.
“Itigil na ng gobyerno ang pag-atake sa aming mga Lumad. Igalang ang aming karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya,” dagdag ni Cullamat.