Nation

PAGWASAK SA LUMAD SCHOOL KINONDENA NG SOLON: “MASAHOL PA SA HAYOP!”

/ 31 August 2020

TINAWAG ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na masahol pa sa hayop ang pagwasak ng isang paramilitary group sa school building at mga textbook ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. sa Bukidnoon kamakailan.

“Mariin kong kinokondena ang pag-atake at pagwasak sa Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. Academy, isang paaralang Lumad sa Sitio Laburon, Brgy. Matupe, Bukidnon ng may 50 paramilitar sa ilalim ng grupong Bagani,” pahayag ni Cullamat.

“Masahol pa sa hayop ang ginagawa nilang pagwasak sa building at kagamitan ng MISFI. Hindi na sila nagkasya sa pagpapasara ng ilang Lumad na paaralan, kailangan pa nilang wasakin ang sinikap namin at pinaghirapang itayo sa sariling pawis at pagod,” dagdag pa ng kongresista.

Tanong din ng mambabatas kung ilan pang kabataang Lumad ang gustong pagkaitan ng edukasyon.

“Ang administrasyong ito ay walang konsensiya at tanging sariling interes lamang ang iniisip,” galit na pahayag ng solon.

Nanggagalaiting iginiit ni Cullamat na sa kabila ng kanilang pagsisikap na mabigyan ng edukasyon ang kanilang mga anak, marahas itong sinusupil ng administrasyon sa pamamagitan ng pagpapasara sa mga paaralan at pamamaslang sa mga lider na Lumad.

“Ilang ulit na naming sinabi na ang pagtatayo namin ng aming sariling paaralan at pagpapaunlad ng aming ekonomiya na nakabatay sa agrikultura, ito ang manipestasyon sa aming karapatan sa sariling pagpapasiya. Hustisya ang kailangan ng mga katutubo. Hindi pandarahas, sobrang pang-aapi at ibayong pambubusabos,” sabi pa ni Cullamat.