PAGTUTURO NG DRUG ABUSE PREVENTION IBABA SA GRADE 4 — SENADOR
DAPAT mas agahan pa ang pagtuturo sa mga estudyante ng drug abuse prevention upang mapalakas ang paglaban ng bansa sa droga.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa paghahain niya ng Senate Bill 228 o ang proposed Mandatory Substance Abuse Prevention Education Act.
“Research has shown that people are more likely to develop an addiction if they start using illegal substances at a young age. Youth, once involved in substance or drug abuse, will likely have academic, relationship and health problems which may include lower grades, dropping out in schools, damaged physical, cognitive and emotional development,” pahayag ni Dela Rosa sa kanyang explanatory note.
Ipinaalala ng senador na nagiging experimental ang mga indibidwal pagtuntong ng adolescence period kaya nahihikayat gumamit ng illegal substance.
Sa kasalukuyang implementasyon ng K to 12 curriculum, ang Substance Abuse Prevention Education ay itinuturo simula sa Grade 9 o sa mga may edad 15.
“This introduction at this stage of formative years might be too late. They might have been introduced and started using and abusing illegal drugs,” paliwanag ng senador kasabay ng pagsusulong na ibaba sa 10 taong gulang o sa Grade 4 ang pagtuturo nito.
Binigyang-diin pa ni Dela Rosa ang report ng Dangerous Drug Board na nasa 4.8 milyong Pinoy na may edad 10 hanggang 69 ang gumamit ng droga kahit isang beses sa kanilang buhay.
Alinsunod sa panukala, babalangkas ang Department of Education, katuwang ang Department of Health, ng disenyo at mga detalye ng Substance Abuse Prevention Education para sa mga Grade 4 hanggang Grade 12.