PAGTATAYO NG SPECIAL EDUCATION SCHOOL SA MATI, DAVAO ORIENTAL LUSOT NA SA HOUSE PANEL
KINATIGAN ng mga miyembro ng House Committee on Basic Education and Culture ang pag-apruba sa panukala na magtayo ng special education school sa Barangay Dahican, Mati City, Davao Oriental.
Sa virtual hearing ng komite, inaprubahan ng mga miyembro ‘in principle’ ang House Billl 4279 ni Rep. Joel Mayo Almario at kailangan lamang nitong makatugon sa mga requirement ng Department of Education.
Sa pagdinig, sinabi ni Deped Undersecretary Tonisito Umali na may mga polisiya at patakaran silang ipinatutupad para sa pagtatayo ng special education school.
“Criteria namin, tinitingnan namin ang dami ng bata na mayroong sitwasyon at kapasidad ng paaralan kung may sapat na kapasidad ng guro. May dagdag ding kaunting budget para magkaroon ng SPED center,” paliwanag ni Umali.
Sinabi pa ni Umali na sa kasalukuyan ay mayroon na silang halos 500 SPED Centers sa buong bansa kasama na ang tatlo sa lalawigan ng Davao Oriental.
Binigyang-diin naman ni Pasig City Rep. Roman Romulo na bukod sa pagtatayo ng SPED Centers, kailangang mayroon ding assessment na ginagawa sa mga ito upang makita kung epektibo ang kanilang pamamahala.
Iginiit naman ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na dapat ang DepEd mismo ang nagmomonitor sa mga ito at kinakailangan ding pagsikapan na ang bawat paaralan ay magkaroon ng SPED Center.
Bukod sa SPED Center sa Barangay Dahican, gusto rin ng may akda ng panukala na magkaroon nito sa Barangay Dawan at Central Davao.
Binigyang-diin ni Almario na mahalaga ang special education schools upang mabigyan ng pantay na oportunidad ang learners with learning disabilities.
“Due to the distance and financial constraints brought about by high transportation costs, personal and safety expenses and other necessary logistical costs, these centers are inaccessible to special learners residing farther areas,” paliwanag ni Almario sa kanyang explanatory note.