Nation

PAGTATAYO NG SCHOOLS DIVISION OFFICE SA NEGROS ORIENTAL LUSOT NA SA SENATE PANELS

/ 5 January 2021

INENDORSO na sa plenaryo ng Senado ang panukala para sa pagtatayo ng hiwalay na Schools Division Office sa Canlaon City, Negros Oriental na una nang inaprubahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Batay sa Committee Report 141, inaprubahan ng Senate Committees on Basic Education, Arts and Culture at Finance ang House Bill 5744 na iniakda nina Representatives Jocelyn Sy-Limkaichong, Roman Romulo, Isidro Ungab at John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto.

Ang panukala ay bilang tugon sa kahilingan ng Sanggunian Panlungsod ng Canlaon City upang mas maging epektibo ang pamamahala at operasyon sa mga paaralan.

“Its establishment is a step to ensure that the schools in the locality will be in full compliance with the existing standards for quality education,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.

Tiwala rin ang mga mambababatas na sa pamamagitan ng hiwalay na schools division office ay mapalalakas ang academic performance ng mga estudyante.

Ipinaliwanag din sa panukala na ang Canlaon City ay may 166 kilometro ang layo mula sa Dumaguete City kung saan matatagpuan ang division office ng Department of Education.

Sa pagtaya, aabutin ng limang oras ang biyahe sa pagitan ng dalawang lungsod kaya nahihirapan ang mga guro, school personnel at iba pang indibidwal na magtungo sa schools division office.

Alinsunod sa panukala, aamyendahan ang Republic Act 3445 o ang batas na lumikha sa City of Canlaon at isasama sa mga probisyon ang pagkakaroon ng schools division office at pagtatalaga ng division superintendent.