PAGTATAYO NG SCHOOL BUILDINGS VS MALALAKAS NA BAGYO ISINUSULONG
ITINUTULAK nina Ako Bicol Partylist Reps. Elizaldy Co at Alfredo Garbin Jr. ang panukala para sa pagbalangkas ng bagong istratehiya sa pagtatayo ng mga school building na panlaban sa malalakas na bagyo, partikular sa Eastern Seabords ng bansa.
Inihain ng dalawang kongresista ang House Bill 8425 o ang An Act Providing for the Typhoon Resilient, Core Shelter Assistance and School Buildings in Typhoon Belt Areas in Eastern Seaboards of the Philippines.
Ipinaliwanag ng mga mambabatas na karaniwan ding nawawasak ng malalakas na bagyo ang mga school building na nakaaapekto sa pag-aaral ng mga estudyante.
Sa kanilang panukala, iginiit ng mga kongresista na dapat matiyak na ang school buildings ay kayang lumaban sa 380 kilometers per hour na bagyo.
“Buildings that are made of concrete materials and slab is a solution to this continuing problem. It can save government coffers and bring confidence to the community and promote human achievements in totality,” pahayag ng mga mambabatas sa kanilang explanatory note.
Sa panukala, iginiit ng mga mambabatas na kailangang maglaan ng sapat na pondo para sa pagtatayo ng mga school building at gawing obligasyon ng mga lokal na pamahalaan ang pagtiyak na ligtas ang school campus bilang learning premises.
Bukod sa mga paaralan, nakasaad din sa panukala ang pagbibigay ng sapat na pondo upang makapagtayo ng matitibay na bahay ang mga biktima ng kalamidad upang hindi na muling maapektuhan ng malalakas na bagyo.
“The Congress of the Republic of the Philippines shal provide the appropriate funding for every unity of Core Shelter Assistance in the amount of P120,000 that shall be endowed to the beneficiary after proper identification of the latter by DSWD,” nakasaad sa panukala.
Ang mga school building naman ay dapat paglaanan ng 10 porsiyento ng budgetary allocation para sa infrastructure projects kada taon sa loob ng limang taon.