PAGTATAYO NG SANITATION FACILITIES SA SCHOOLS IPASOK SA 2021 BUDGET -SOLON
IMINUNGKAHI ni House Committee on Higher Education Chairman at Baguio City Rep. Mark Go na isama sa 2021 proposed budget ng Department of Education ang pagpapatayo ng sanita-tion facilities sa bawat paaralan.
Ito ay makaraang ihayag ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na batay sa kanilang pag-aaral, isa lamang sa apat na paaralan ang may hand washing facilities habang isa sa bawat tatlong paaralan ang may malinis na palikuran.
Sinabi ng dalawang kongresista na ang Covid19 pandemic ay maituturing na wake up call upang maisaayos na ang mga sanitation facility sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
Ipinaliwanag ni Go na hindi lamang ngayong pandemya dapat nabibigyan ng pansin ang pan-gangailangan sa pasilidad ng mga paaralan bagkus ay dapat itong ibigay sa mga estudyante dahil kasama ito sa kanilang mga karapatan.
Iginiit ng kongresista na sa pagtalakay nila sa 2021 General Appropriations Act, kailangang matiyak na may sapat na pondo para rito.
“Habang ginagawa natin ang modular learning, dapat gawin na rin ang iba pang aspeto sa edukasyon tulad ng pag-aayos ng school facilities,” dagdag pa ni Go.