PAGTATAYO NG PUP CAMPUS SA CALAPAN MALABO
IPINAGPALIBAN ng House Commitee on Higher, Technical and Vocational Education ang pagtalakay sa panukala para sa pagtatayo ng campus ng Polytechnic University of the Philippines sa Calapan, Oriental Mindoro.
Ito ay makaraang aminin ni Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera III na wala siyang nakikitang pangangailangan na magtayo ng sangay ng PUP sa lugar dahil mayroon nang dalawang local universities.
Tinukoy ni De Vera ang Mindoro State College of Agriculture and Technology at ang City College of Calapan.
Bukod dito, sinabi ni De Vera na mayroon ding sangay ang PUP sa munisipalidad ng Bansud na 30 minutong biyahe lamang ang layo sa Calapan.
Maging si PUP Vice President Pascualito Gatan ay atubili sa panukala sa pagsasabing hindi pa ito napag-aralan ng kanilang Board of Regents.
Nangangamba rin si Gatan na magkakaroon lamang ng duplication ang mga kursong iaalok ng panukalang itayong PUP-Calapan sa iba pang local universities.
Ang House Bill 8881 o ang proposesd PUP-Calapan Campus Act ay inihain ni Rep. Doy Leachon na nagsabing ang pagtatayo ng campus ay tugon sa human resources development sa kanilang distrito.
Sinabi ng kongresista na sa pamamagitan ng pagtatayo ng campus ay mabibigyan ng oportunidad para sa dekalidad na edukasyon ang mga estudyante mula sa mga bayan ng Baco, Naujan, Pola, Puerto Galera, San Teodoro, Socorro, Victoria at sa lungsod ng Calapan.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang campus ang PUP sa lalawigan na matatagpuan sa munisipalidad ng Bansud kung saan ang karamihan ng mga estudyante ay mula sa ikalawang distrito, partikular sa mga munisipalidad ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Mansalay, Pinamalayan at Roxas.