Nation

PAGTATAYO NG PUBLIC MEDICAL SCHOOL SA BAWAT REHIYON PINABUBUHUSAN NG PONDO

/ 26 August 2020

HINDI umano sapat ang pagbibigay ng scholarship sa mga nagnanais na kumuha ng kursong medisina at sa halip ay mas makabubuting magtayo ng medical school sa state universities sa bawat rehiyon sa buong bansa.

Sa interpelasyon sa Medical Scholarship Bill, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi sapat ang bilang ng state universities and colleges na nag-aalok ng medical courses upang matiyak na mapupunan ang pangangailangan sa sapat na numero ng mga doktor sa bansa kahit pa maaprubahan ang scholarship.

“The bill has good intention but we will not solve our shortage of medical professional unless we ramp up the opportunity for medical students,” pahayag ni Drilon.

Sa paliwanag ng sponsor ng panukala na si Senador Joel Villanueva, 55 ang medical schools sa bansa subalit siyam na SUCs lamang ang mayroon nito.

Batay sa panukala, target doblehin ang 3,000 hanggang 4,000 medical graduates kada taon upang mapunan ang kakulangan ng mga doktor sa bansa at makamit ang ideal ratio na 10 doktor sa bawat 10,000 pasyente.

Ayon naman kay Senador Cynthia Villar, mas makabubuting obligahin ang bawat SUC sa bawat rehiyon na makipagpartner sa mga pagamutan na pinatatakbo ng Department of Health sa pag-tatayo ng medical school.

Iginiit ni Villar na kung ang bawat rehiyon sa bansa ay magkakaroon ng graduates ng medisina ay masisiguro na mayroong doktor sa bawat lugar.

Kinuwestyon naman ni Villar kung bakit hindi kasama ang medical course sa Universal Access to Tertiary Education na nagbibigay ng libreng pag-aaral sa kolehiyo sa SUCs.

Tugon dito ni Drilon, ang medical course ay maituturing na graduate studies at ang Free Educa-tion Act ay para lamang sa basic tertiary education.

Samantala, ipinaliwanag ng main author ng panukala na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na inuna niyang isulong ang pagkakaloob ng medical scholarship dahil marami ang mga es-tudyante na nagnanais kumuha ng medisina subalit walang sapat na pambayad sa matrikula at iba pang pangangailangan.

Sinabi ni Sotto na alinsunod sa kanilang pag-aaral ay maraming medical school subalit kaunti ang enrolees dahil sa maraming gastusin.