PAGTATAYO NG PH SCIENCE HIGH SCHOOL SA BAWAT REHIYON ‘WAG LIMITAHAN — SOLON
PINAAAMYENDAHAN ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores ang Philippine Science High School Act upang mas maraming campus nito ang maitayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa pagsusulong ng House Bill 5567, nais ni Flores na payagan sa batas ang pagtatayo ng mahigit sa isang campus ng PSHS sa loob ng isang rehiyon.
“The Philippine Science High School Act of 1997 or RA 8498 was enacted to rationalize, integrate and assume the leadership role in secondary level science and technology education,” pahayag ni Flores sa kanyang explanatory note.
Sinabi ng kongresista na sa loob ng 24 taon, simula noong 1963, nag-iisa lamang ang campus ng PSHS sa Agham Road, Diliman, Quezon City kung saan tinatanggap ang top 240 examinees sa National Competitive Examination kada taon.
Taong 1980 nang magsimula ang PSHS system na naglagay ng mga campus sa bawat rehiyon.
Sa ngayon, bawat rehiyon sa bansa ay mayroon nang PSHS campus maliban sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“All campuses have at most 30 students in each class thereby ensuring quality education to all scholars,” diin ng mambabatas.
Gayunman, sinabi ng kongresista na sa mga regional campus, tatlo lamang ang klase kumpara sa main campus na may walong klase kada batch.
“Not only is there a smaller number of classes per batch at the regional level, the present system also caps the limit on the establishment of a PSHS campus to only one per region,” diin ni Flores.
Iginiit ni Flores na ang limitasyong ito ay kontra sa constitutional mandate na pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa lahat.
Alinsunod sa panukala, aamyendahan ang section 5 ng RA 8498 at ilalagay na wala nang limit ang pagtatayo ng PSHS campus sa bawat rehiyon.
“It is believed that there is no shortage of deserving students that can qualify for scholarship under the PSHS system. Establishing as many campuses as is necessary anywhere in the country will increase the accessibility of free high quality science education to as many deserving students,” dagdag pa ng kongresista.