PAGTATAYO NG PERMANENTENG KLINIKA SA MGA ISKUL ISINUSULONG
ISINUSULONG din sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagkakaroon ng permanenteng klinika sa bawat public at private school sa buong bansa.
Sa House Bill 821 o ang proposed Mandatory School Clinic, sinabi ni Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. na karamihan sa mga paaralan ay naglalagay lamang ng temporary clinic o school health unit sa loob ng kanilang campus upang mabigyan ng permit.
“Schools are well-positioned to contribute toward the maintenance, promotion, and protection of the health of a very large number of Filipinos, as well as foreign students enrolled in country,” pahayag ni Gonzales sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, bawat paaralan, pampubliko man o pribado, ay obligadong magkaroon ng permanent clinic sa loob ng school campus.
Bubuo rin ang provincial o city officer ng Department of Education ng monitoring team na magsasagawa ng on-spot inspection o monitoring sa mga paaralan sa kanilang hurisdiksiyon kung sumusunod sa kanilang obligasyon.
Ang pondong gagamitin para sa pagpapatupad nito ay magmumula sa General Appropriations Act bawat taon.
Sa Senado, inihain ni Senador Manny Pacquiao ang Senate Bill 1348 para sa kahalintulad na hakbangin na magbibigay proteksiyon sa mga kabataan na tinawag niyang ‘frontliners of the next generation’.
“Educational institutions should take part in healthcare development by improving school health and providing adequate health services in all public schools,” pahayag pa ni Pacquiao.