PAGTATAYO NG NATIONAL TEACHER ACADEMIES ISINUSULONG SA KAMARA
IPINANUKALA ni Camarines Sur Rep.Luis Raymund Villafuerte Jr. ang pagtatayo ng mga National Teacher Academy upang mas marami pa ang mahikayat na maging guro.
Ayon kay Villafuerte, layon ng kanyang House Bill 8497 o ang proposed Teaching Profession Act na lunasan ang kakapusan ng mga guro sa bansa.
“Low salaries and the declining status of the teaching profession have reduced the quantity and quality of individuals entering the teaching profession,” pahayag ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.
Sinabi ng kongresista na kailangang gawin ng gobyerno ang lahat ng hakbangin upang mahikayat ang mga talented indvidual sa teaching profession.
Batay sa panukala, magtatayo ng isang national teacher academy sa bawat subject areas na karaniwang itinuturo sa elementary at secondary schools.
Kasama sa subject areas ang Basic Skills and Literacy Instruction; Civics and government; National Writing Project; Mathematics; Foreign Languages; History, Geography and Sociology; Economics; Life Sciences; Physical Sciences at Arts, kasama na ang Art, Music at performing arts.
Nakasaad din sa House Bill 8497 na ang kalihim ng Department of Education ay magbibigay ng grants sa mga eligible recipient upang magtayo at mag-operate ng akademya.
Bawat taon, obligado ang national academy na magsagawa ng summer institute para sa teacher training programs na dadaluhan din ng school administrators at mga participant mula sa congressional districts.
Mandato rin ng kalihim ng DepEd na makipag-ugnayan sa Commission on Higher Education para sa pagpili ng state colleges at universities para naman sa professional development schools.