PAGTATAYO NG MEISTER SCHOOLS, PINASISIMULAN SA PILOT AREAS
BUMUO na ang House Committee on Basic Education and Arts ng technical working group na paplantsa sa panukala para sa pagtatayo ng Meister schools sa bansa.
Ang House Bill 6287 o ang proposed Meister Schools Act ay inihain ni Albay Rep. Joey Salceda upang igiit na dapat maging bahagi ng comprehensive education reform agenda ang pagkakaroon ng specialized senior high schools para sa highly-technical skills na tugma sa manufacturing at iba pang high value industries.
Sa virtual hearing ng komite, nagpahayag ng suporta ang Department of Education at ang Technical Education and Skills Development Authority upang mapataas ang estado ng technical and vocational education sa Filipinas at magkaroon ng maraming highly-skilled, highly-hireable tech-voc graduates na walang college degrees.
Iginiit naman ni Committee Chairman at Pasig City Rep. Roman Romulo na mas makabubuti kung gawin muna sa ilang pilot areas ang pagtatayo ng Meister Schools upang maiayos muna ang sistema bago ipatupad sa iba pang lugar.
Sinang-ayunan naman ito ni Salceda kasabay ng paglilinaw na ang layunin ng kanyang panukala ay mauna ang employment at saka susundan ng edukasyon.
“Dito ang prinsipyo baligtad. Employment first, education later. Halimbawa, sasabihin ng isang kompanya na kailangan nila ng 150 students, they would probably go through selection process and then sila ang isasalang sa training at pag-aaral,” paliwanag ni Salceda.
Ibinatay ni Salceda ang panukala sa technical-vocational schools sa Korea na pinagmumulan ng mga meister o master-craftsmen.
“In Korea, the effect that Meister schools had were dramatic. 85 percent placement of first batch/generation of those who signed employment contracts,” pahayag pa ni Salceda.