Nation

PAGTATAYO NG ISA PANG NHS SA MALITA, DAVAO OCCIDENTAL APRUB NA SA KAMARA

/ 29 April 2021

LUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng isa pang national high school sa bayan ng Malita, sa Davao Occidental.

Isinumite na rin sa Senado ang inaprubahang  House Bill 8996 na substitute bill sa House Bill 5366 na iniakda nina Reps. Lorna Bautista-Bandigan, Roman Romulo at Eric Go Yap.

Batay sa panukala, itatayo ang Lacaron National High School upang mabigyan ng oportunidad ang mas marami pang estudyante para sa dekalidad na edukasyon.

Nabatid na ang layo ng ipinapanukalang paaralan sa mismong poblacion o town center ay nasa anim na kilometro at ang uri ng mga transportasyon ay habal-habal, bus at tricycle.

“Nearest elementary schools serving as feeder and their distance from the proposed site are Lacaron Elementary School, 200 meters; Procorpio A. Majellano Sr. Elementary School, 2.8 km; and Lafeud Elementary School, 3 km,” pahayag  ni Bandigan sa kanyang explanatory note.

Sinabi pa ng kongresista na karamihan sa mga pamilyang nakatira sa barangay ay nabubuhay sa pagsasaka, pangingisda, livestock-raising, at backyard gardening kaya marami sa mga magulang ang hirap na ipagpatuloy pa ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Samantala, mayroon na ring idinonate na 1.22 ektaryang lupain para sa itatayong paaralan.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Secretary ng Department of Education na isama sa kanilang programa ang operasyon ng Lacaron National High School.