Nation

PAGTATAYO NG DAGDAG NA TESDA CENTERS LUSOT NA SA HOUSE PANEL

/ 11 March 2021

TIWALA ang House Committee on Higher and Technical Education na mas marami pang Filipino ang mabibigyan ng pagkakataon para sa edukasyon at skills training sa pagtatayo ng mga karagdagang Technical Education and Skills Development Authority training and accreditation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa virtual hearing ng komite, sa pangunguna ni Baguio City Rep. Mark Go, inamyendahan at inaprubahan ang House Bill 7887 para sa pagtatayo ng TESDA Center sa Antique.

Sa orihinal na panukala ni Antique Rep. Loren Legarda, nais niyang magkaroon ng TESDA Training and Assessment Centers sa bawat munisipalidad sa lalawigan.

“Learning vocational skill is a powerful tool to reduce unemployment rate, provide livelihood opportunities, and improve the productive potential of an individual in contributing to the economic growth of the community,” pahayag ni Legarda sa kanyang explanatory note.

Gayunman, sa deliberasyon, nagkasundo ang komite na sa halip na 18 TESDA Training Centers, dalawa na lamang ang itatayo at ito ay sa mga munisipalidad ng Hamtic at Pandan.

Sa mga nakaraang pagdinig ng komite, sinabi  ni TESDA Region 6 Director Gaspar Gayona na mayroon na silang provincial training center sa Antique at ang municipal training centers ay ‘under construction’ na.

Kasabay nito, inaprubahan din ng komite ang House 8511 na inihain ni Deputy Speaker Evelina Escudero para sa pagtatayo ng TESDA Training and Accreditation Center sa Sorsogon City.

Nagkasundo rin ang mga miyembro ng komite na aprubahan na ang House Bill 8788 ni Davao del Sur Rep. Mercedes Cagas para naman sa pagtatayo ng Davao del Sur TESDA Training and Assessment Center.